'Maid in Malacañang' at bakit lahat ng pelikula ay mahalaga
Ang nauukol na pagtuturing sa at panonood ng pelikula
Ang panonood nga ng pelikula ay isang commitment, at isang pribilehiyo; kung tutuusin, ano mang uri ng pagkonsumo ng sining ay pribilehiyo—sa pera man, sa convenience, o oras. Kaya nga tayo humihingi ng movie recommendations at opinyon ng iba, kung bakit natin tinitignan online kung mataas ang rating ng isang pelikula, at inaalam na mismo agad ang takbo ng kwento para masiguradong magugustuhan natin kasi ayaw nating masayang ang mahigit 90 minuto nating pagkakaupo. Subalit dahil dito nagkaroon tayo ng attitude na panoorin lang kung ano ang gusto natin at kung ano na ang kumportable at pamilyar sa atin (hal. sa genre, sa artistang gaganap, o sa gumawang direktor). Sa ibang salita, alam na natin kung ano ang “maganda” at kung alin ang “pangit.”
Wala namang masama na magkaroon tayo ng partikular na panlasa sa mga pelikulang pinapanood natin. ‘Yun nga ang kagandahan eh kasi mas nakikilala natin ang sensibilidad natin at maging ng ibang mga tao. Pero sa kabilang banda, bunga rin ng pagdebelop ng ganitong ugali ay ang pagkakaroon natin ng negatibong pagtingin sa ibang pelikula na hindi kalinya ng lasa natin. Halimbawa, dahil mababa ang rating o pangit ang reviews ng isang pelikula ay ‘matic na tayong mawawalan ng interes panoorin, o sumasakay na lang tayo sa bandwagon na hindi siya importante. Ang malala pa nga ay kapag nakikisali tayo sa diskusyong laban sa isang partikular na pelikula kahit na hindi pa natin napapanood. Ganun din kapag popular o maganda ang isang pelikula, nakikisawsaw tayo sa usapan sa paraang sumasang-ayon na lang basta tayo o kaya naman ay inuulit lang natin ang opinyon ng ibang mga nakapanood. Sa parehong senaryo, pagpapakita ito ng walang respeto sa pelikula.
Pag sinabi nating lahat ng pelikula ay mahalaga, ibig sabihin na lahat sila ay pare-parehong worthy panoorin. Hindi natin sinasabing dapat natin silang panoorin lahat pero mahalaga nating maintindihan na may karapatan silang mapanood, best picture man o problematic, angkop man sa sensibilities natin o hindi. Naniniwala kasi ako na ang lahat ng pelikula ay may bahagi sa pag-intindi natin sa mga bagay-bagay dahil walang pelikula ang kailanman detached sa kanyang lipunan. Kaya mas maigi nang i-generalize ang quality ng mga pelikula base sa ganitong pananaw kaysa sa aesthetics dahil ang dichotomy na ganda/pangit ay subjective, at mababaw na pagkilala sa sining nito.
Syempre, maganda ang Maid in Malacañang para sa mga bahagi ng produksyon nito, kasama ang lahat ng mga sumusuporta sa kanila. Sa kabilang banda naman, paniguradong halos walang magandang masasabi ang mga laban sa kanila. Relative nga kasi! Gayunpaman, kahit aling kampo man tayo panig, nananatiling may halaga ang MIM kapag ituturing natin siya hindi lamang bilang isang produktong sining pero kapag ginamit natin siyang kasangkapan para magkaroon ng diskusyon (gaya ng ginagawa ko ngayon) sa iba’t ibang mga bagay at konteksto, halimbawa ng sa Pilipinas—sa usapin ng kasaysayan, sa politika, at katotohanan.
Kaya sana mabago ang attitude natin na kung ano lang ang maganda o classic o popular ay sila lang ang worthy panoorin. At sana kapag nanonood na tayo, mapaanomang genre o mapakaninomang direktor at artista, natututo tayong tumingin lampas sa kung ano lang ang nakikita sa screen. Ang bawat pelikula ay may halaga, pero responsibilidad nating hanapin ‘yun.