Pogi nga ba ang pelikulang Noypi?
Tatlong salita sa mamamayan, sa industriya, at sa mga artista ng pelikulang Pilipino
Pre, mahigit isang taon na mula noong nakapasok ako sa film school pero hanggang ngayon di pa rin ako magaling gumamit ng DSLR. Di bale, ang terminong babanggitin ko naman dito ay tatlo sa mga pinakamahahalagang bagay na natutunan ko—mas mahalaga pa sa technicalities ng filmmaking—at ngayon ay kinokonsidera sa pagsagot sa tanong kung pogi nga ba ang pelikulang Noypi.
Bakya
Nasabihan ka na bang bakya?
Mga bakya kung ituring ang mga Pilipinong low-class na dumadagsa sa mga sinehan noong dekada sitenta. (Naka-bakya raw ata kasi sila.) Derogatory nga lang, kasi ginamit siyang classification para sa mga Pinoy na wala o mababaw raw ang “taste” pagdating sa mga pinapanood nilang pelikula. Dahil ‘yung mga pinapanood nila ay puro mga sampalan, sigawan, at iyakan.
Masisisi ba natin kung gano’n ang kinagiliwan nilang content kung gano’n naman lagi ang ginagawa at binebenta ng industriya? Pero masisisi mo rin ba ang industriya kung doon naman sila kikita?
Kaya mahirap magturo kung aling partido ang problema. Cyclical eh. Klasikong dilemma ng kung alin ang mas nauna sa manok at itlog. Gayunpaman, ang industriya at mga filmmaker dapat ang may initiative; sa kanila ang upper hand eh.
Bomba
Boom! hehe
Bomba naman ang tawag sa soft porn movies na naglipana noong dekada ‘70s-’80s. Ibang "action" genre ito kasi imbes na sina FPJ, Lito Lapid, at John Estrada ang nagbabarilan, katawan ng mga babae ang "binobomba." Walang baril, pero may putukan. Kalaunan, mas naging explicit ang mga hubaran; naging mas bold. Kaya di ba bold ang tawag sa porn dati?
May mga bomba na sinamantala lang ang kalibugan ng mga tao. Kumbaga Fifty Shades of Grey pero puro elevator scene lahat. (Dakotaaa 😍)
Pero may mga bomba rin na sinamantala ang kapatukan ng genre para makapag-incorporate ng mga politikal na tema. Kasi syempre noong mga panahong ito, malupit ang board of censors sa mga pelikulang explicit ang pagiging kritikal sa gobyerno. Halimbawa, ang Scorpio Nights ay alegorya sa rehimeng Macoy.
Brocka
Isko rin ito eh.
National Artist si Lino Brocka, for film syempre. Matunog ang pangalan niya hindi lamang sa usaping pelikula pero sa aktibismo rin. Bakit?
Sa Maynila sa mga Kuko ng Liwanag at Insiang niya, kitang kita at amuy na amoy 'yung dumi at baho ng syudad Maynila. Obvious sa kanila ang kapangitan ng Pilipinas noong mga dekadang ito; realidad na pilit dine-deny ni Imelba. Kaya pinapalitan niya ng “City After Dark” ‘yung title ng Manila By Night ni Bernal (contemporary ni Brocka) kasi ayaw niyang mabahiran ng kapangitan ‘yung pinakamamahal niyang Maynila.
Ayan: sina Brocka, Bernal, at marami pang iba ang mga matatapang na Noypi na gumawa ng mga pelikulang ang aesthetics ay may kaakibat na angas, mga pelikulang ang kapogihan ay buhat sa walang hiya nilang pagpapakita ng kapangitan ng lipunang kanilang kinalalagyan. At sa panahong marahas ang censorship at laganap ang escapist movies, ginamit nina Brocka ang sine para i-penetrate ang kamalayan ng mga tao ukol sa iba't ibang isyu at realidad ng lipunang Pilipino.
Eh sa kasalukuyan kaya? Maituturing pa rin bang bakya ang mga Pilipino? Totoo bang may resurgence daw ng bomba sa Vivamax? May mga Brocka pa ba tayo o puro pretentious filmmakers na lang na ginagamit pang propaganda ang pelikula?
Pre, masalimuot ang realidad ng sineng Pilipino. Ang itsura nito ay hindi lamang dichotomy ng kapogihan at kapangitan. Kaakibat kasi ng pagtingin dito ay pagaral din sa kasaysayan at status quo nito.
Pogi naman, pero ang mukha ng pelikulang Noypi ay hindi lang nakaangkla sa aesthetics; dapat may angas din, at may pagintindi sa mamamayan, sa industriya, at sa mga artista nito.